100-pulis sasailalim sa stress debriefing
MANILA, Philippines - Umaabot sa 100 pulis ang sasailalim sa stress debriefing kaugnay ng matinding pinagdaanan sa delubyo ng super bagyong Yolanda sa Eastern Visayas Region na pinakamatinding nagtamo ng pinsala, may isang buwan na ang nakalilipas.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Public Information Office (PNP-PIO) Chief P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac.
Kasabay nito, unti-unting ipu-pullout ang mga pulis na naka-deploy bilang augmentation force partikular na sa Tacloban City habang nagbabalik na rin sa normal ang mga lugar.
“The direction of the PNP is to slowly pullout personnel except for the Special Action Force (SAF),†pahayag pa ni Sindac.
Ayon kay Sindac, ang unti-unting pullout sa mga pulis ay para makauwi at mabigyan ng pagkakataon na makapiling ang kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan.
“Basta ang general direction is gradually ma-pullout na ’yung mga troops lalo na ’yung mga hindi taga- roon, yung augmentation from the different Regions so that most of them can spend Christmas with their families,†ani Sindac.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay tumaas na sa 5,924 ang naitalang death toll sa bagyong Yolanda habang 27,002 ang nasugatan at aabot naman sa 1,779 ang nawawala.
Naitala naman sa P35.527 bilyon ang pinsala ng bagyo sa bansa noong Nobyembre 8 kabilang ang P18.206 bilyon sa imprastraktura at P17.321 bilyon naman sa agrikultura.
- Latest