Malampaya funds planong gamitin vs power rate hike
MANILA, Philippines - Pinarerebyu ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang gabinete kung puwedeng gamitin ang Malampaya funds upang mapagaan ang epekto ng napipintong power rate hike.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview kahapon, inatasan niya sina Energy Sec. Jericho Petilla, Finance Sec. Cesar Purisima, Justice Sec. Leila de Lima, Chief Presidential Legal Counsel at DBM Sec. Florencio Abad upang rebyuhin kung paano magagamit ang Malampaya funds sa nakaambang power rate hike upang mabawasan naman ang bigat sa mga consumers ng kuryente.
Inaasahan ng Pangulo na maisusumite ng nasabing mga opisyal ang kanilang pag-aaral hinggil dito bago siya tumulak patungong Tokyo sa Miyerkules upang dumalo sa ASEAN-Japan commemorative summit upang maipatupad na ito.
Suportado naman ng House Committee on energy ang paggamit ng Malampaya funds para mapigilan ang napakalaking pagtaas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO).
Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite, bagama’t dati ay tutol siya sa subsidy sa power sector, sa ngayon ay puwede na itong ikonsidera.
Katuwiran nito, masyado na umanong malaki ang P4.15 kada kilowatthour na pagtaas sa singil sa kuryente subalit hindi naman direktang masagot ng kongresista kung magkakaroon ng paglabag sa batas dahil ang Malampaya funds ay para lamang sa mga proyekto sa pagpapalakas ng enerhiya.
Tiwala naman si Umali na napag-aralan na ito ng kanyang counterpart sa Senado na si Sen. Serge Osmeña bago isulong ang nasabing panukala.
- Latest