Pagbibitiw ng Cabinet men ni PNoy umugong
MANILA, Philippines - Itinanggi ng Malacanang na magbibitiw na si Presidential Communications Group Sec. Ricky Carandang.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., hindi pa nagbibitiw sa kanyang tungkulin si Sec. Carandang at patuloy na ginagawa nito ang kanyang trabaho bilang pinuno ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO).
Umugong ang balita sa New Executive Bulding (NEB) ng Malacañang na hanggang Disyembre 31 na lamang si Carandang sa puwesto nito.
Maging si Carandang ay itinanggi na nagbitiw na siya sa kanyang puwesto at kasalukuyang nasa Singapore ito.
Matunog na lilipat na lamang si Carandang sa corporate world sa sandaling magbitiw na ito bilang hepe ng PCDSPO.
Dati nang itinanggi ni Coloma na itatalaga ni Pangulong Aquino si Sen. Panfilo Lacson bilang rehabilitation czar subalit makalipas ang ilang oras ay biglang inihayag mismo ni Lacson na tinanggap na nito ang alok ng Pangulo.
Umugong din ang tsismis na maging si Usec. Manolo Quezon gayundin sina Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ay magbibitiw na rin.
- Latest