Magkaibang desisyon ng SC sa protest case binira
MANILA, Philippines - Umapila si Oriental Mindoro Reynaldo Umali sa kanyang mga kasamaÂhang kongresista na huwag pumayag na manghimasok ang hudikatura sa lehislatura dahil magkaibang sangay ito ng gobyerno.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, binira ni Umali ang magkaibang desisyon ng SC sa electoral protest case laban kina Marinduque Rep. Regina Ongsiako Reyes at Quezon Rep. Angelina Tan kung saan si Reyes ay diniskwalipika habang sa kaso ni Tan ay iginiit ng SC na ang House of Representatives Electoral Tribunal na ang may hawak sa kaso dahil nakapag-oath na ito at nag-assume na ito ng pwesto.
Labis na nagtataka si Umali dahil wala namang ipinagkaiba ang sitwasyon ng dalawang mambabatas. Ito ay dahil sa si Congw. Reyes ay nakapag-oath na rin at nakapag-assume ng pwesto bilang kinatawan ng Marinduque.
Idiniin pa ni Umali na ayon sa dissenting opinion ni Justice Arturo Brion, mukhang ang pagreresolba sa kaso ni Reyes na nagampanan sa record time na 18 days lamang ay minadali ng SC.
Nanawagan si Umali sa mga kasamahan na ipaglaban ang kanilang karapatan bilang mambabatas at huwag hayaan ang co-equal body nito na apakan ang kanilang kapangyarihan at mandato, batay na rin sa isinasaad ng Saligang Batas.
Nilinaw naman ni House Speaker Feliciano Belmonte na mananatili pa rin kongresista si Reyes sa kabila ng diskwalipikasyon nito sa Korte Suprema.
Ayon kay Belmonte, hindi agad-agad susundin ng Kamara ang pinal na desisyon ng SC para sa diskwalipikasyon ni Reyes dahil sa bukod sa hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng desisÂyon ay pinag-aaralan pa rin umano ng Kamara ang kanilang legal na opsyon.
Malinaw umano na si Reyes ay proklamadong panalo sa halalan kaya ang anumang protesta dito ay dapat na hawakan lamang ng HRET at hindi Korte Suprema.
- Latest