Sevilla OIC sa Customs
MANILA, Philippines - Nabigo si resigned Customs Commissioner Ruffy Biazon na abutin ng Pasko sa Bureau of Customs (BoC) matapos magtalaga si Finance Sec. Cesar Purisima ng officer-in-charge sa katauhan ni Finance Usec. Sunny Sevilla.
Magugunitang humirit si Biazon kay Pangulong Aquino na palawigin ang kanyang pananatili sa BoC hanggang sa Disyembre 31 upang matapos daw ang mga naiwan nitong trabaho matapos siyang maghain ng irrevocable resignation sa Pangulo noong Lunes.
Si Sevilla ay Finance undersecretary for Corporate Affairs Group and Privatization at nagsilbi din bilang investment banker sa Goldman Sachs bago pumasok sa DoF. Trusted man ni Sec. Purisima si Sevilla.
Nagdesisyon si Biazon na maghain ng kanyang irrevocable resignation sa Pangulo noong Lunes matapos itong masangkot sa 2nd batch ng mga mambabatas na kinasuhan ng NBI kaugnay sa pork barrel scam.
Kaagad namang tinanggap ng Pangulo ang pagbibitiw ni Biazon subalit bigla itong humirit ng extension kamakalawa para matapos umano nito ang kanyang naiwang trabaho sa BoC.
- Latest