Mahihirap na senior citizens may monthly pension sa DSWD
MANILA, Philippines - Maaari nang maÂkaÂkuha ng buwanang pension sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga mahihirap na senior citizen.
Ito’y sa sandaling maisabatas ang House Bill 2958 na layong mabigyan ng P1,000 kada buwan ang mga senior citizen na hindi benepisaryo ng Social Security System (SSS), Government Security and Insurance System (GSIS), Armed Forces of the Philippines (AFP)-Mutual Benefit Association, Inc. o anumang insurance company.
Nakasaad din sa HB 2958 ni Rep. Winston Castelo na dapat magkaroon ng Special Social Pension Program para sa kapakinabangan ng mga mahihirap na senior citizens.
Sakop ng panukala ang mga mahihirap o indigent senior citizens na mahina na, sakitin, may kapansanan at walang natatanggap na pension o permanenteng pinagkukunan ng kita o suporta sa miyembro ng pamilya.
Kailangang pumasa ang naturang senior citizens sa requirement ng DSWD National Household Targeting System for Poverty Reduction para makasama sa pension.
Pinaka-prayoridad nito ang mga senior citizens na 80 anyos pataas, susundan ng 70-79 taon at 60-69 taong gulang.
Tinatayang nasa 1.3 milyong senior citizens ang naninirahan sa ARMM at Regions V, VI at VII, na kinukunsiderang mahirap na lugar, ang bibigyang prayoridad.
Gayundin ang mga senior citizens na ninirahan sa squatter areas at liblib na barangay sa bansa.
- Latest