MANILA, Philippines - Posibleng tumagal ng 3 hanggang 5 taon ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng super bagyo.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, isinasaayos na ng pamahalaan ang ‘master plan’ para sa rehabilitasyon upang makabangon ang mga lalawigan sa Visayas Region partikular na sa Leyte at Samar na nilumpo ni Yolanda.
Iniulat naman ni Task Force Cadaver Commander P/Sr. Supt. Pablito Cordeta na 34 pang bangkay ang narekober sa TacÂloban City. Simula noong Nobyembre 15 hanggang nitong Nobyembre 27 ay nasa 2,038 na ang naÂrerekober na bangkay sa lungsod.
Sa tala ng NDRRMC, nasa 5,560 na ang death toll at nadagdag pa dito ang 60 karagdagang nasawi sa Eastern Visayas. Nasa 26,136 ang nasugatan at 1,757 ang nawawala.
Nakatakda namang maghatid ng 40 toneladang relief goods ngayong araw ang BRP Bangladesh Navy ship sa 3 araw na good will visit nito sa bansa. Ang BNS Somudra Joy ay dadaong sa Pier 15 ng South Harbor.
Samantala, naglaan naman ang Macau Special Administrative Region (SAR) ng People’s Republic of China ng limang milyong Macau patacas o US$630,000 (tinatayang P27 milyon) sa Pilipinas.
Bukod sa naturang financial aid, nagpaabot rin ng mensahe ng pakikisimpatya ang Macau sa mga Pinoy na naapektuhan ng bagyo.
Nananatili umanong matatag ang relasyon ng Pilipinas at Macau SAR kung saan ang mga Pinoy ay nakakakuha ng visa-free access na 30-araw sa kanilang teritoryo.