P300M natipid sa PDAF ni Villar
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi kahapon ni Senator Cynthia Villar ang alegasyong hindi umano nagamit nang tama ang Priority Development Assistance Fund na ibinigay niya sa Las Pinas City. Nagbunga pa anya ito sa milyong savings at isang award-winning project na kinalala sa buong mundo.
Ipinahayag ni Villar, na naging kongresista ng Las Pinas noong 2001 hanggang 2010 bago siya nahalal na senador, na ang kanyang PDAF ay ipinagkaloob niya sa kanyang distrito sa Las Pinas upang maiangat ang pamumuhay ng kanyang nasasakupan, partikular yaong mahihirap.
Binigyan-diin din ni Villar na, dahil sa waste processing system na tinustusan ng pondo mula sa kanyang PDAF, nakatipid ang Las Pinas ng P300 million sa garbage disposal. Bukod dito, nabigyan din ng pagkakataong magkatrabaho ang mahihirap na mamamayan sa kanyang nasasakupang lugar.
Ani Villar, nais din niyang ilahad na ang mga proyektong pinondohan ng kanyang congressional PDAF ay nakatuon sa rehabilitasyon ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig upang maiwasan ang malaganap na pagbaha para mapangalagaan ang buhay at pag-aari ng ating mga kababayan.
Ipinagmalaki ni Villar na noon 2011, nakamit ng Las Pinas-Zapote River Rehabilitation Program ang “Best Water Management Practice Award†mula sa United Nations Water for Life event sa Zaraogoza, Spain. May 38 bansa ang naglaban-laban upang makamit ang parangal na ito.
Binanggit din ng senador na noon pang Agosto 28, 2012, sinagot na ng Las Pinas City ang mga isyu na tinukoy sa COA report kaugnay sa paggamit ng kanilang PDAF at alegasyon ng umano’y iregularidad kaugnay nito.
Ayon kay Villar, malinaw na may pagkakamali sa na-publish na report ng COA, partikular sa pages 410 at 412, kung saan binanggit ang dalawang magkaibang “figures†para sa hindi naisumiteng disbursement vouchers na inisyu sa iba’t-ibang entities at indibidual.
- Latest