572 naaagnas na bangkay narekober sa Tacloban Bay
MANILA, Philippines - Matapos ang may isang linggong paggalugad sa karagatan ng TacÂloban City ay nakarekober pa ng 572 naaagnas na mga bangkay ang pinagsanib na elemento ng Water Search and Rescue (WASAR) at Water Sanitation (WASAN) team ng Philippine Navy.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Lt. Commander Gerald Gregory Fabic, ang nasabing bilang ay hindi pa kasama sa 1,868 mga nakuhang bangkay na naitala ng Task Force Cadaver na pinamumunuan ni Sr. Supt. Pablito Cordeta na pawang sa lupa at dalampasigan ng lungsod natagpuan.
Patuloy ang paggalugad sa buong lungsod upang mapabilis ang pagrekober sa mga bangkay at madala ang mga ito sa ‘mass grave’ para sa ‘mass burial’ kung wala ng kikilala o kukuhang mga pamilya o kamag-anak.
Nabatid naman kay Phl Navy Commander Gilbert Pacio, Chief ng Public Affairs Tulong Visayas na umaabot na sa mahigit 5,000 residente ng Leyte at Samar na karamihan ay galing Tacloban City ang naihatid ng kanilang mga barko sa Cebu.
Ang iba naman ay sumakay ng C130 plane ng Philippine Air Force at US Air Force patungong Metro Manila na nagsilapag sa Villamor Air Base sa Pasay City at nagsituloy sa itinayong Tent City para sa mga evacuees ni Yolanda.
- Latest