Heneral na nagsabing 10,000 ang patay sa ‘Yolanda’ sinibak ni Purisima
MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang heneral na nagsabing posibleng umabot sa 10,000 ang masawi sa delubyo ng super bagyong Yolanda sa Eastern Visayas Region na grabeng nagtamo ng pinsala.
Si Police Regional Office (PRO) 8 Director Chief Supt. Elmer Soria ay ipinahanap mismo ni Pangulong Aquino ng mabatid na ito ang pinanggalingan ng report na pinagdudahan ng Punong Ehekutibo at sinabing sa pagtaya ay aabot lamang sa 2,500 ang posibleng nasawi sa trahedya.
Ayon sa source, matapos ang kontrobersya ay agad nagpalabas ng order si Purisima para sibakin si Soria at inirekomenda naman si Chief Supt Henry Lozanes, director ng PNP Maritime Group, upang humalili rito sa puwesto.
Bukod dito, ayon pa sa source ay nabulabog ang buong Tacloban City ng ihayag ni Soria sa isang radio interview na pinasok na ng mga armadong kalalakihan ang lungsod na nagdulot ng pagpapanik sa mga tao pero ng magresponde ang pulisya at militar ay walang nakita sa Brgy. Abucay ng lungsod.
Nang matanong naman si PNP Public Information Office P/Chief Supt. Reuben Sindac, sinabi nito na ‘battle fatigue’ na si Soria kaya kailangan muna nitong magpahinga.
Si Soria ay pansaÂmantalang ilalagay sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Kaugnay nito, sinimulan na rin kahapon ang mass burial sa daang bangkay na narekober sa Tacloban City.
Mahigit sa 200 bangkay ang nakahilera sa harapan ng Tacloban City Hall na karamihan ay hindi pa nakilala.
- Latest