Dahil sa looting Negosyante nag-alisan na sa Tacloban City
MANILA, Philippines - Hahanapan ng paraan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang posibilidad na matulungang makabangon ang mga negosyanteng nalugi sa Tacloban City at iba pang lugar dahil sa pagtama ng bagyong Yolanda at talamak na “looting†na hinihinala ngayon na pinangungunahan umano ng mga organisadong grupo.
Sinabi ni DTI Secretary Gregory Domingo na makikipag-usap siya sa ilang mga financial institutions kabilang ang Small Business Corp., Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines, upang mapakiusapan na maglaan ng espesyal na programa para sa mga apektadong mga negosyo.
Ito ay kasunod naman ng pagsialisan na ng mga negosyante sa Tacloban City dahil sa takot sa mga organisadong grupo na nangunguna umano sa nagaganap na “looting†sa lungsod.
Sa panayam sa telebisyon kay Alfred Li, ng Leyte Chamber of Commerce and Industry (LCCI), na bukod sa kanya ay nagsialisan na rin sa lungsod pansamantala ang karamihan ng mga miyembro ng LCCI.
Sinabi nito na matapos ang looting, nangangamba sila na sumunod naman dito ang pangingidnap at iba pang krimen sa mga negosyante kaya sila pansamantalang umalis dahil sa pangamba sa kanilang seguridad.
Naniniwala umano sila na mga natural na kriminal ang mga nangunguna sa mga nakawan at hindi ang mga gutom na mga residente. Sinabi pa nito na gumagamit pa ang mga organisadong kriminal ng mga trak para mahakot ang mga ninakaw nila sa mga komersyal na establisimiyento.
Ang mga grupong ito umano ang unang nagbubukas ng mga nakakandadong establisimiyento at unang kumukuha ng mga pinakamahahalagang mananakaw bago sumunod ang mga residente. Kung may bantay naman, hahanap sila ng grupo ng mga taong nagugutom na kanilang uudyukan para sabay-sabay na sumalakay sa target na establisimiyento.
Naniniwala rin sila na hindi mga taga-Tacloban ang mga grupong kumikilos na pawang mga armado.
Nanawagan si Li sa pulisya na dagdagan pa ang kanilang puwersa sa Leyte at bantayan ang mga karatig bayan ng Tacloban at mga highways dahil doon umano patungo ang mga organisadong kriminal para magnakaw.
- Latest
- Trending