MANILA, Philippines - Daan-daang rescuer mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang patuloy na nagdadatingan sa Ninoy Aquino International Airport para tumulong sa rescue at rehabilitation efforts sa mga lugar sa Central Visayas na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Isa sa mga unang bansang tumugon sa panawagan ng Pilipinas ang UniÂted States. Sumunod ang United Kingdom. Kapwa nagpadala ang dalawang bansang ito ng mga barko at sundalo.
Kabilang pa sa pumunta para tumulong ang Japan Disaster and Relief Team, Canadian Armed Forces, Qatar Air Force, Australian, Hungarian, Putra Malaysia, at Comprehensive Disaster Rescue Services ng Estonia.
May bitbit pang mga rescue tool nang dumaÂting sa paliparan ang French International Rescue team na binubuo ng mga duktor, paramedics at bumbero.
Pinapurihan ng UniÂted Nations ang pandaigdigang pamayanan sa kanilang pagresponde para matulungan ang mamamayang Pilipinong sinalanta ng kalamidad na kumitil ng mahigit 2-libo katao.
Kasalukuyang tinututukan ng UN ang hinggil sa pagkain, kalusugan, sanitasyon, debris removal at rehabilitasyon ng apektadong lugar.
Gumulong ang pandaigdigang katugunan sa delubyong naranasan ng Pilipinas nang ilunsad kamakalawa ang $300 milyong apela ng UN dahil sa pagkilos ng maraming bansa at kumpanya.
Sinabi ni UN Undersecretary for Humanitarian Affairs Valerie Amos na ang plano ay para sa $301 milyon. Mas mataas pa ito sa naipangako na at hindi pa kasama ang $25 milyon mula sa central emergency response fund ng UN.
Tinataya ng UN na mahigit 11.3 milyong Pilipino ang naapektuhan, 673,000 ang nawalan ng tahanan.