Signal no. 1 sa bagyong ‘Wilma’ itinaas sa 15 lugar
MANILA, Philippines - Nananatili ang lakas ng bagyong ‘Wilma’ habang papalapit sa CARAGA region.
Alas-11:00 ng umaga kahapon, namataan ng PAGASA ang naturang bagyo sa layong 75 kilometro ng hilaga hilagang-silangan ng Hinatuan City.
Taglay ng bagyong ‘Wilma’ ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang signal number 1 sa KaÂtimugang bahagi ng Negros Occidental, Katimugang bahagi ng Negros Oriental, Southern Cebu, Siquijor, Bohol, Southern Leyte sa Visayas gayundin sa Dinagat Island, Surigao Del Norte kasama ang Siargao Island, Surigao Del Sur, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin Island at hilagang bahagi ng Zamboanga Del Norte sa Mindanao.
Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon kay Manny Mendoza, weather forecaster ng PAGASA, inaasahan nilang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang bagyo sa Huwebes.
Isa pang paparating na bagyo ang namataan ng PAGASA at kapag tuluyang pumasok sa PAR ay tatawagin itong bagyong Yolanda.
- Latest