Sa pagdalo sa Senate hearing Seguridad ni Napoles tiniyak ng PNP-SAF
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng PNP-Special Action Force ang seguridad ni Janet-Lim Napoles, ang itinuturong mastermind sa P10 bilyong pork barrel scam kaugnay sa gagawing pagsalang nito sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon kay PNP–SAF Director P/Chief Supt. Carmelo Valmoria, nakaantabay lamang sila sa anumang ipag-uutos ng korte.
Kasunod ito ng pagpapadala ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee kay Napoles na kailangan sumipot sa darating na Nobyembre 7 kaugnay ng pagpapatuloy ng pagdinig ng pork barrel scam.
Una rito, sinabi ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda na maaari nilang payagang makadalo sa pagdinig ng Senado si Napoles basta’t matiyak lamang ng PNP ang seguridad nito.
Nabatid na naka-address kay Valmoria ang subpoena dahilan ang PNP-SAF ang direktang nangangalaga sa kustodya ni Napoles sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna.
Sa kasalukuyan, bantay sarado si Napoles sa ‘mini mansion’ na nagsisilbing detention cell nito sa Fort Sto. Domingo ng may 300 SAF personnel upang hindi makatakas.
Magugunita na noong Setyembre 1 ay inilipat ng kustodya si Napoles sa Fort Sto. Domingo matapos itong katigan ng korte dahil umano sa banta sa buhay ng pork barrel scam operator.
- Latest