Special polling precincts sa senior citizens, PWDs
MANILA, Philippines - Nagtalaga na ang Commission on Elections (Comelec) ng mga lugar upang mas madali ang pagboto ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa halalang pang-barangay na idaraos sa Oktubre 28.
Ayon kay Comelec Commissioner Grace Padaca, isa ring PWD, ang pilot areas para sa mga PWDs sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region (NCR) ay bilang pagsunod sa Republic Act 10366 na nagtatakda ng kapangyarihan sa Comelec na magtatag ng PWD at senior citizen-friendly polling places sa bawat voting center.
Ipinaliwanag ni Padaca na nais nilang magkaroon ng karanasan dito bago ang full implementation ng naturang batas sa 2016 elections.
Ang mga pilot areas ay matatagpuan sa mga SM branches sa (NCR) SM City Manila, Barangay 659, Manila; (Luzon) SM City Lipa, Bgy. Sabang, Lipa City, Batangas; (Visayas) SM City Cebu, Bgy. Mabolo, Cebu City; at (MinÂdanao) SM City General Santos, Bgy. Lagao, General Santos City.
Una nang kinonsulta ng Comelec ang mga PWDs at senior citizens para irehistro sila sa mga pilot areas at itala ang uri ng kanilang kapansanan at tulong na kakailangan sa mismong araw ng halalan.
Gayunman, binibigyan naman anila ng pagkakataong makapili ang mga PWDs at mga senior citizens kung nais pa rin ng mga ito na bumoto sa pilot area o sa regular na polling precinct.
Hindi naman na umano kinakailangan pa ng mga senior citizen na magdala ng senior citizens’ card dahil rehistrado na sila sa Comelec database.
- Latest