Bigay ng Sokor $.5M sa quake victims
SEOUL, South Korea – Nagpaabot ng tulong pinansiyal ang gobyerno ng South Korea para sa mga naging biktima ng lindol sa Bohol at Cebu na nagkakahalaga ng $300,000 bukod pa sa $200,000 na ibinigay naman para sa rehabilitasyon ng Zamboanga City na sinalakay ng MNLF.
Inihayag mismo ni Pangulong Aquino sa isinagawang ‘coffee with media’ kamakalawa ng gabi sa Grand Hyatt Hotel sa Seoul ang tulong pinansiyal ng nasabing bansa.
Sinabi ng Pangulo na damang-dama ng bansa ang pakikisimpatiya ng Korea na isang bagay na nakakapag-pagaan ng loob matapos ang nangyaring trahedya sa Visayas region.
Samantala, naglaan ang Estados Unidos ng $50,000 o P2.15 milyon sa Pilipinas bilang tulong para sa relief operations sa mga biktima ng lindol.
Ayon sa US Embassy sa Manila, ang nasabing emergency response fund ay mula sa United States Agency for International Development (USAID) sa pakikipag-koordinasyon sa kanilang implementing partner na Plan International na naglalayong magbigay ng non-food relief items para sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay US Charge d’Affairs Brian Goldbeck, nagbigay ang USAID Visayas Health Project ng may 6,000 units ng hygiene kits para sa mga biktima ng lindol sa Bohol habang nagpadala ng dalawang US military water purification units sa Tagbilaran City na io-operate ng AFP upang makapagbigay ng tubig-inumin sa mga apektadong residente.
Bukod sa US, nagpahayag din ng kanilang pakikiramay at suporta sa mga biktima ang United Nations, European Union, United Kingdom, Australia at Israel.
Dito sa Pilipinas, nagbigay ng P2 milyong donasyon ang Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) para sa mga biktima ng lindol sa Cebu at Bohol. (Malou Escudero/Ellen Fernando/Danilo Garcia)
- Latest