MWSS board pinasisibak sa milyong pisong bonus
MANILA, Philippines - Pinasisibak kay Pangulong Aquino ang mga opisyales ng Metropolitan Waterworks and SeÂwerage System na tumanggap umano ng milyun-milyong pisong bonus at allowances sa kabila ng ‘di magandang financial performance ng ahensya.
Ayon kay Coalition of Filipino Consumer (CFC) convenor Jason Luna, mayroong malakas na ebidensya laban sa pagpapahintulot ng pagbibigay ng milyun-milyong pisong allowances sa mga miyembro ng MWSS board.
Ayon kay Luna, nakatanggap sila ng mga dokumento mula sa Governance Commission for GOCCs sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo na ipinahintulot ang pagbigay ng milyun-milyong pisong allowances sa apat na miyembro ng MWSS board. Maging si MWSS Labor Association (MLA) vice president Nap Quinones ay nagulat sa laki ng bonus na tinanggap ng MWSS board sa kabila ng diumanoy pagkalugi ng ahensya.
Sang-ayon sa mga dokumento, mahigit 1.74 milÂyong piso mula sa pera ng taumbayan ang nagastos umano upang bigyan lamang ng productivity bonus ang mga miyembro ng MWSS Board.
Nakatanggap diumano ng P388,800 si MWSS board chairman Ramon Alikpala, at P345,600 naman para kay Gerardo Esquivel. Tig-kalahating milyong piso naman daw ang naibigay kina MWSS administrator Emmanuel Caparas gayundin sa kanyang katuwang, Vince Pepito Yambao.
Kinuha diumano ang nasabing pondo mula sa corporate funds ng MWSS.
Pinuna din ng grupo ang diumano’y di patas na pagtrato ng MWSS board sa mga rank-and-file na patuloy na ginigipit matapos magsampa ng kasong katiwalian sa Ombudsman ang MWSS Labor Association.
Ginigipit diumano ang mga lider unyon upang mapwersa ang mga itong huwag nang ipagpatuloy ang kanilang naisampang kaso.
Nagsampa ang unyon ng mahigit 11 kaso ng katiwalian laban kay Esquivel matapos nitong magbigay ng mahigit 88 milyong piso sa mga diumano’y ghost consultants.
- Latest