MANILA, Philippines - Isa pang testigo na dati ring empleyado ni Janet Lim-Napoles ang nagdiin dito sa pagpapakulong kay pork barrel scam whistleblower Benhur Luy sa pagpapatuloy ng pagdinig sa bail petition kaugnay ng kasong serious illegal detention sa Makati City Regional Trial Court kahapon.
Sumalang kahapon sa witness stand sa sala ni Makati RTC branch 150 Judge Elmo Alameda si Merlina Suñas, bilang testigo ng prosekusyon. Sinabi ni Suñas na ipinatawag umano siya ni Napoles noong Disyembre 19, 2012 sa opisina ng kumpanya sa Room 2502 sa Discovery Center sa Ortigas, Pasig City.
May pinatawagan umano si Napoles kay Luy ngunit dahil sa hindi makontak, hinablot ang cellular phone nito. Ikinuwento nito kung paano nagalit umano si Napoles kay Luy nang isa-isang basahin ang mga mensahe. Kabilang dito ang pakikipagpalitan ni Luy ng mensahe sa isang “Maya Santos†na project coordinator umano ng ilang senador.
Ito umano ang ikinagalit ng husto ni Napoles na nagsabing kaya kokonti na lamang ang nakukuha niyang PDAF ay si Luy na ang katransaksyon ng mga coordinator.
Natuklasan rin ni Napoles na may P800,000 sa bangko si Luy na iniutos nito sa kanyang abogado na ipalipat sa account ng JLN Corporation habang pinahalughog rin ang cabinet nito sa opisina kung saan nakita ang pitaka nito na may lamang P40,000.
Dito na umano inutusan ni Napoles ang kanyang bodyguard na si Nap Sibayan na ilipat at ikulong si Luy sa katabing Room 2501. Dumating rin umano sa lugar ang kapatid ni Napoles na si Reynald Lim.
Sa cross examination, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan na nagsisinungaling ito sa korte dahil sa magkaiba ang kanyang pinahayag sa korte at sa sinumpaang-salaysay. Hindi rin umano ito empleyado ng JLN, at nagsisinungaling rin umano ito sa naganap na pulong dahil paano umano makakapunta ito sa Room 2052 dahil sa malayo ang opisina nito.
Hindi pa rin naman naglabas ng desisyon si Judge Alameda at muling itinakda ang pagdinig sa Oktubre 7.