Magsasaka tulungan - Loren

MANILA, Philippines - Sa gitna ng usapin sa mataas na presyo ng bigas, iginiit ngayon ni Senadora Loren Legarda ang pagpapalakas ng suporta sa mga magsasaka upang dagdagan ang pagkakataon ng mga itong mapalaki ang produksyon ng bigas.

Ginawa ni Legarda ang panawagan kasunod ng nasiwalat na memorandum ni National Economic Development Authority Secretary Arsenio Balicasan noong Setyembre 10 kay Pangulong Aquino na nagdedetalye sa kalagayan ng bigas sa bansa.

Ipinapahiwatig sa memorandum na mababa na ang suplay ng bigas at ito ay madaragdagan lamang kung muling aangkat ng 500,000 metriko tonelada (MT) nito.

“Ito marahil ang dahilan kung bakit patuloy na pinapasan ng publiko ang mataas na presyo ng bigas kahit pa nga ipina­pahayag ng mga opisyal sa agrikultura na ang buffer stocks nito ay sapat at ang inaasahang produksyon ay nasa target,” ayon kay Legarda.

“Patuloy nating titingnan ang mga alegasyong ito. Ang sigurado ngayon ay ito: dapat nang buhusan ng pondo ng gobyerno ang mga proyektong magpapaunlad sa irigasyon at mga programang magpapalago sa produksyon sa mga kanayunan at dagdag na pagkakataon sa kabuhayan para sa ating mga magsasaka,” ayon kay Legarda.

Ayon pa sa mga ulat, ang nasabing memorandun ni Balicasan sa Pangulo ay dumitalye kung papaano nagkulang ang produksyon ng bigas sa nakalipas na tatlong buwan sa inaasahang ani na 7.4 milyong MT. Hindi umano ito sapat sa pa­ngangailangan ng bansa na dapat ay nasa 9.1 mil­yong MT. Nangangahulugan ito na kailangang punan ang kakulangang 1.7 milyong MT at maaari pang tumaas hanggang 2.6 milyong MT kung 30 araw ang magiging pa­ngangailangan sa buffer stocks.

Inirekomenda ni Balicasan sa Punong Ehe­kutibo ang pag-angkat ng kalahating milyong MT ng bigas upang “tugunan ang napipintong kakulangan sa suplay at pigilan ang pagtaas pa ng presyo nito.”

Iminungkahi rin ni Balicasan na tanggalin na sa National Food Authority ang pasanin sa pangangasiwa ng mga importasyon ng bigas dahil diumano sa katiwaliang madalas na bumabatbat sa mga transaksyong ito.

Nauna nang napa­balitang ang importasyon ng bigas na isinagawa ng NFA noong Abril ay nabahiran ng anumalya dahil overpriced ito ng halos kalahating bilyong piso.

Show comments