MNLF, Enero pa nagpuslit ng armas sa Zambo
MANILA, Philippines - Enero pa lamang ng taong ito ay nagsimula ng magpuslit ng armas ang Moro National Liberation Front (MNLF) fighters bago ang planadong pag-atake sa Zamboanga City.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations P/Director General Felipe Rojas Jr., bago ang paglusob ay namonitor na ang MNLF na nagpupuslit ng armas sa lungsod mula Enero hanggang nitong sumunod na buwan base na rin sa testimonya ng mga sumuko at nahuling opisyal at mga tauhan ng mga ito sa isinagawang tactical interrogations ng mga awtoridad.
Lumilitaw na ito ang dahilan kung bakit hindi nauubusan ng bala ang MNLF fighters na sumasagupa sa tropa ng pamahalaan
sa kabila ng tumagal ang krisis ng 20 araw o halos tatlong linggo.
Ang mga umatakeng MNLF ay mula sa grupo ng limang Commander nito sa pangunguna ni Ustadz Habier Malik na patuloy na inaalam ng PNP kung nasawi sa bakbakan o nakatakas sa kordon ng security forces.
Nitong Sabado ay idineklara ni Defense Secretary Voltaire Gazmin at Malacañang na tapos na ang krisis sa lungsod at bagaman may nalalabi pang ilang MNLF sa ‘constricted area’ sa Sta. Barbara at Sta. Catalina ay lumpo na ang puwersa ng mga ito.
Sa tala umaabot na sa 149 MNLF fighters ang napaslang, 19 sa AFP at lima sa PNP.
- Latest