BAC nagpaliwanag sa isyu tungkol sa basura
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Parañaque City na may sabwatan at pandaraya sa bidding ng multi-milyong pisong kontrata ng basura sa lungsod. Ito ang paliwanag ng BAC matapos silang atasan ng Commission on Audit (COA) na sagutin ang reklamong may nangyari umanong ayusan kaya’t iisang bidder lamang ang kwalipikadong mag-bid para sa kontratang hakot-basura.
Sa isang liham kay COA State Auditor IV Teresa Argana, sinabi ni BAC Chairman Fernando Soriano na walang basehan ang paratang ng Sunday Sports Club na pinamumunuan ni Jerry Marcelo na wala umanong abiso para sa subasta. Aniya, tinupad ng lungsod ang isinasaad ng batas para sa naturang government procurement.
Sinabi rin ni Soriano na ‘di pa naibibigay ang kontrata sa Leonel Waste Management Corp., ang nag-iisang bidder na nakalahok sa subasta, dahil ito’y dadaan pa umano sa post-qualification process.
Una rito, kinuwestyon ni Marcelo ang naturang subasta para sa tatlong buwang kontrata sa paghahakot at pagtatapon ng basura ng lungsod. Hiniling ni Marcelo sa COA at sa konseho ng Parañaque na imbestigahan ang umano’y kahina-hinalang proseso ng bidding at ang umano’y maanomalyang pagkiling ng BAC sa kompanyang Leonel.
Nanawagan din si Marcelo na dapat ay bukas at malinis ang bidding upang matiyak na ang pinakamagandang serbisyo sa tamang halaga ang makukuha ng lungsod. Ito’y batay na rin sa platapormang tuwid na daan ng administrasyong Aquino kung saan kaalyado si Mayor Edwin Olivarez, aniya. Agad namang umaksyon ang COA kaya’t inatasan nito ang BAC noong Setyembre 24 na sagutin ang mga paratang ni Marcelo.
- Latest