Lagda ng Emir na lang para makauwi na si Lanuza
MANILA, Philippines - Isang dokumento na lang ang kailangan upang makauwi na sa Pilipinas ang OFW na si Rogelio “Dondon†Lanuza na nakaligtas sa pagbitay at nananatiling nakakulong sa Saudi Arabia.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, tumatayo ring Presidential Adviser on OFWs Concerns, inimpormahan na siya ni Phl Ambassador to Saudi Ezeddin Tago na ang kailangan na lamang upang makalaya at makaalis na sa Saudi si Lanuza ay ang lagda ng Emir sa deportation order nito.
Hindi umano natukoy sa order ng Emir na ide-deport si Lanuza pauwi sa Pilipinas bago ma-proseso ang kanyang exit visa.
Kaya inatasan ng Jasawat ang Dammam Reformatory Jail na mag-request ng deportation order dahil ang ipinalabas na order ng Emir para kay Lanuza ay para lamang sa release o paglaya nito.
Kapag napirmahan na ng Emir ang bagong order, ang advance copy nito ay ipadadala sa Dammam Reformatory Jail at ang Jasawat ay magpapalabas ng exit visa para kay Lanuza.
Nakakuha na rin ang Department of Foreign Affairs ng return ticket para kay Lanuza subalit ang flight nito ay pending pa hangga’t hindi naiisyu ang kanyang exit visa.
Si Lanuza ay nakaligtas sa bitay matapos na mabigay ang halagang 3 milyon Saudi riyal o P32 milyon blood money sa tulong ng gobyerno, mga nag-ambagang OFWs at iba pang indibidual at inako ng Saudi government ang 2.3 milyon SAR upang mabuo ang naturang blood money. Napatay ni Lanuza ang isang Saudi national dahil sa pagtatanggol sa sarili noong 2000.
- Latest