32 sugatan sa 2 aksidenteng kinasasangkutan ng mga bus
MANILA, Philippines - Tatlumpu’t dalawang pasahero ang nasugatan sa naganap na hiwalay na aksidente na parehong kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus sa Muntinlupa City at sa EDSA, Makati City kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Skyway, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang pagbangga ng Green Star bus sa concrete railing sa toll plaza ng Skyway-Alabang northbound lane. Ayon sa mga pasahero, napakabilis umano ng takbo ng bus hanggang sa mawalan ng kontrol at diretsong bumangga.
Hawak na ngayon ng PNP Highway Patrol Group ang driver ng Green Star bus na si Rommel Reyes at isinasailalim sa masusing imbestigasyon. Nabatid na galing ng Laguna ang bus at paÂtungong sa kanilang terminal sa Cubao, Quezon City.
Sinabi ni Ret. General Louie Maralit, hepe ng Traffic ManageÂment and Security Department ng Skyway, na agad nilang isinugod sa iba’t ibang pagamutan ang mga pasahero para sa kaukulang gamutan. Pawang nagtamo naman umano ng “minor injuries†ang mga pasahero.
Nauna rito, dakong alas-7 ng umaga, nasa 11 pasahero naman ang sugatan din makaraang bumangga ang isang Roval bus sa sinusundang Golden Bee bus sa southbound lane ng EDSA-Estrella sa Makati City.
Isinugod ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Makati rescue team sa ospital ang mga sugatang pasahero.
Nagdulot naman ng matinding pagsisikip sa trapiko ang aksidente na nagpatuloy kahit naialis na ang dalawang nasangkot na bus.
Hawak na ng mga awtoridad ng driver ng bumanggang Roval bus na si Paulo Eduardo Sitchon habang nakilala naman ang driver ng Golden Bee bus na si Sonny Borja.
Sinisi pa ni Sitchon ang Golden Bee bus na bigla na lamang umanong huminto kaya hindi agad siya nakapagpreno at nabundol ang hulihan nito. Iginiit naman ni Borja na nagbababa lamang siya ng pasahero nang bigla siyang bundulin ng Roval bus na mabilis naman umano ang patakbo.
- Latest