OFW ginulpi ng amo, tumanggap ng P2M
MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker na pinagmalupitan ng amo ang nakabalik na sa Pilipinas at tumanggap ng halaÂgang P2 milyong danyos.
Nasa pangangalaga ngayon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Pinay na si Rahima Panayaman, 24, tubong Cotabato na dumating sa bansa kamakalawa mula Kuwait.
Nabatid na nakakulong sa Kuwait ang kanyang among babae na umano’y misis ng isang mataas na opisyal ng Kuwaiti Police.
Ipinalagay na ni Labor Sec. Luzviminda Baldoz sa listahan ng mga blacklisted ang naturang Kuwaiti employer.
Naka-peluka na lamang si Panayaman dahil naubos ang kanyang buhok sa halos araw-araw na pagsabunot at panggugulpi ng amo.
Inuuntog din umano ang Pinay sa pader, binubuhusan ng kumukulong tubig at ikinukulong ng amo. Hindi rin siya siÂnuwelduhan at hindi pinakakain ng maayos sa loob ng apat na buwang pagtatrabaho sa amo.
Nagtungo sa Kuwait ang OFW noong Marso 29, 2013 subalit isinoli siya ng unang employer sa agency. Inihanap siya ng panibagong employer at dito na siya dumanas ng kalbaryo.
Dahil halos hindi na makapagtrabaho, ibinalik ng ikalawang employer sa foreign agency ang nasabing OFW at dito nadiskubre ang mga pasa, peklat at sariwa pang dugo sa katawan nito.
Tinulungan umano siya ng kanyang agency upang ireklamo ang employer hanggang sa arestuhin ang huli at ikulong.
Inalok naman ng employer ang Pinay ng P2 milyon para iurong ang kaso na umano’y tinanggap nito bilang settlement fee.
Gagamitin umano niya ang nasabing halaga upang maipagamot din ang kanyang mga magulang na may sakit.
Inalok na siya ng OWWA upang makapagsimula ng negosyo sa kanyang pagbabalik sa Cotabato City.
- Latest