Tangkang pambobombang muli, nasilat
MANILA, Philippines - Nasilat ang muling pagpapasabog sa Cotabato City matapos na matagpuan ang tatlong bomba may ilang metro ang layo sa city hall kamakalawa ng gabi.
Ito’y sa gitna na rin ng hindi pa nakakabangon ang nasabing lungsod sa malagim na epekto ng car bombing noong Agosto 5 na pumatay sa 8-katao habang 30 iba pa ang nasugatan.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Rolen Balquin, na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-10 ng gabi nang matagpuan ang tatlong bomba na isinako saka itinapon sa Malagapas Dumpsite sa Barangay Rosary Heights 10.
Agad namang rumesÂponde ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at ng Philippine Marines kung saan narekober ang dalawang bomba na gawa sa 60mm habang ang isa pa ay gawa 81mm mortar na may cartridge na cell phone.
Pinaniniwalaang napilitan ang mga bomber na abandonahin ang mga bomba sa dumpsite dahil sa pinaigting na presensya ng pulisya at militar sa nasabing lungsod bunga ng pambobomba noong Agosto 5.
Inihayag ng opisyal na ang lugar na pinaglagÂyan sa narekober na bomba ay may ilang metro lamang ang layo sa People’s Palace ng Cotabato City Hall.
- Latest