1 dedo sa bagyong Labuyo, 48 pa nawawala
MANILA, Philippines - Isa katao ang iniulat na nasawi habang 48 pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Labuyo na nagdulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan simula pa noong linggo sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, kinilala ang nasawing biktima na si Jomar Salicong, natabunan ng gumuhong putik sa Kilometer 14, Brgy. Kabuyao Poblacion sa Tuba, Benguet dakong alas-8:30 ng umaga nitong Lunes.
Iniulat naman ni Chief Inspector Ryan Manongdo, Spokesman ng Pangasinan Provincial Police Office, nasa 25 namang mangingisda na lulan ng tatlong bangka ang napaulat na nawawala matapos na abutin ng unos ng bagyong Labuyo sa karagatan.
Ayon kay Manongdo, ang bangkang pangisdang Super Boy ay umalis sa Infanta, Pangasinan noong Agosto 8 pero nabigong makabalik. Kabilang sa lulan nito ay ang boat captain na si Ramil Rosal; Ricardo Etac, Iguan Bulig, Balong Nical,Narding Nical, Daniel Maloon, Andy Lebios, Efepanio Rosal, Dodong Rosal at Joseph Arupin.
Samantalang lulan naman ng bangkang Bon bon ang siyam na crew na umalis sa Brgy. Cato, Infanta noong Agosto na sinasakyan ng mga mangingisdang sina Larry Evangelista, boat captain; Geronimo Igang, John Malicdem, Oscar dela Cruz, Reynaldo Corpuz, isang tinukoy na Pedro, Pablito Evangelista, alyas Bong at Aaren Lauren.
Sa pangatlong bangka na umalis naman sa Bolinao , Pangasinan kamakalawa ay nawawala naman ang anim na mangingisda na sina Jose Rolly Bagor, Tito Dagun, Gerry Barrientos, Rosendo Cas, Rolly Boy Maratas at Manding Carranza.
Naitala naman sa 244 pamilya o kabuuang 1,003 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Labuyo sa Region III at V na nanatili sa mga evacuation centers sa Albay, Camarines Norte at Aurora.
May kabuuang namang 8,927 pasahero, 34 behikulo, 669 rolling cargo at 10 bangkang de motor ang stranded sa mga pantalan ng Bicol at ilang lugar sa Visayas.
Samantala, sinuspinde ng mga lokal na opisyal ang klase sa Regions I, III, IV-A at National Capital Region matapos na mag-landfall ang bagyo sa Casiguran, Aurora kahapon ng umaga at humina habang patawid sa NorÂthern Luzon at inaasahang lalabas na ng Pilipinas ngayong araw na ito.
- Latest