Taiwan sisimulan na ang pagtanggap ng OFWs
MANILA, Philippines - Sisimulan na ngayong araw ang pagpoproseso sa mga aplikasyon at visa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) patungong Taiwan.
Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Amadeo Perez na uumpisahang iproseso ng Taiwan ang may 1,000 visa ngayong araw kasunod ng pag-lift noong Huwebes sa 11 sanctions na ipinataw ng Taiwanese government laban sa Pilipinas.
Nabatid na tatanggap pa ng maraming manggagawang Pinoy ang Taiwan kasunod ng pagpapatawad ng Taiwan.
Magugunita na matapos na irekomenda ng National Bureau of Investigation na kasuhan ng homicide ang may 8 miyembro ng Philippine Coast Guard na umano’y responsable sa pamamaril sa 65-anyos na Taiwanese fisherman na si Hung Shih-cheng, agad na tumungo si Perez sa Taiwan at inihatid ang formal apology ng Pilipinas sa pamilya ng biktima.
Tinataya na may 90,000 OFWs ang nasa Taiwan at marami sa kanila ang naapektuhan makaraang mawalan ng trabaho habang iba ay nakaranas ng pag-aabuso at diskriminasyon nang ipataw ng Taiwan ang nasabing sanctions.
- Latest