Bomba itinanim sa motorsiklo: Cotabato blast 6 patay
MANILA, Philippines - Anim katao ang nasawi habang 29 pa ang nasugatan makaraang sumabog ang itinanim na bomba sa panulukan ng Maniara Street at Sinsuat Avenue, Brgy. Rosary Heights 10 , Cotabato City kahapon ng hapon.
Ang pagsabog ay sa gitna na rin ng babala ng US Intelligence hinggil sa pandaigdigang banta ng terorismo na ihahasik ng grupo ng Al-Qaeda terrorist at ng mga kaalyado nitong mga lokal na terorista.
Ayon kay Lt Col. Custodio Parcon, Commander ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 1, anim katao ang inisyal na napaulat na nasawi habang inaalam pa kung may binawian rin ng buhay sa mga nasa kritikal na kondisyon na nasa pagamutan.
Ang pagsabog ay naganap malapit sa tanggapan ng Office of the Regional Governor ng ARMM at Cotabato Regional Medical Center .
Sinabi naman ni Sr. Supt. Rolen Balquin, Director ng Cotabato City Police, dakong alas-4:15 ng hapon nang mangyari ang pagsabog na sinasabing inilagay sa isang XRM motorcycle na nakaparada sa panulukan ng Maniara St. at Sinsuat Avenue sa Brgy. Rosary Heights 10 ng lungsod.
Ang sumambulat na bomba ay ikinapinsala rin ng walong behikulo at tatlong motorsiklo na nakaparada sa lugar. Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon hinggil dito ang mga awtoridad.
Kinondena naman ng Malakanyang ang naganap na pagsabog, kasabay ng kautusan sa lahat ng law enforcement agency ng bansa na gawin ang lahat ng paraan para madakip at maparusahan ang mga taong nasa likod ng pagpapasabog.
Samantala, sa kabila ng matinding paghihigpit sa seguridad at pagsasara ng may 22 embahada at konsulado ng Estados Unidos sa Gitnang Silangan at North Africa, inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa silang natatanggap na direktang banta ng terrorist attacks sa mga Embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, patuloy na minomonitor ng mga diplomatic posts ng Pilipinas ang sitwasyong pang-seguridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan at sa mga kababayang Pinoy sa anumang pagbabanta ng mga teroristang grupo. (May dagdag na ulat ni Ellen Fernando)
- Latest