Paglalantad ng mga survey firm pinigil ng SC
MANILA, Philippines - Pinigil ng Korte Suprema ang ilang bahagi ng Comelec Resolution na nag-aatas sa mga survey firm na ilantad ang pangalan, pagkakakilanlan at iba pang personal na impormasyon ng kani-kanilang subscriber.
Sa idinaos na En Banc Session ng Korte Suprema ngayong araw na ito, partikular na inaktuhan ng mga mahistrado ang inihaing petition for certiorari ng Social Weather Stations at Pulse Asia laban sa Comelec Resolution No. 96-74.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, partially granted ang hiling na temporary restraining order ng dalawang survey firm kontra sa pag-iral ng nasabing resolusyon na ipinalabas bago ang mid-term elections nitong Mayo.
Samantala, inatasan din ng Korte Suprema ang Comelec na magkomento sa nasabing petisyon.
Sa ilalim ng naturang resolusyon, inatasan ng Comelec ang mga survey firms na pangalanan ang mga commissioner, payor at subscriber ng kanilang mga pre-election survey na isinagawa mula February 12, 2013 para sa kaukulang beripikasyon.
Kamakailan lamang, sinimulan na ng ComeÂlec Law Department ang preliminary investigation laban sa mga nasabing survey firm dahil sa pagmamatigas ng mga ito na sumunod sa nasabing kautusan.
Umakyat naman ang SWS at Pulse Asia sa Korte Suprema at iginiit na sila ay posibleng maharap sa walang batayang preliminary investigation, malitis sa isang krimen na nilikha ng Comelec na hindi naman umiiral sa ilalim ng ating mga batas at mapilit na mailantad ang mga impormasyon na itinuturing umanong confidential.
- Latest