Shortlist para sa PJ ng Sandiganbayan isusumite na kay PNoy
MANILA, Philippines - Isusumite na ng Judicial and Bar Council kay PaÂngulong Benigno Simeon Aquino III ang shortlist para sa posisyon ng Presiding Justice (PJ) ng Sandiganbayan matapos isagawa ang botohan kahapon, kung saan 5 nominado ang pumasok.
Inihayag ni Atty. Milagros Cayosa, regular member ng JBC, na kabilang sa mga nakapasok sa shortlist ay sina: Court of Appeals Justice Apolinario Bruselas na nakakuha ng anim na boto; Interior Undersecretary Rafael Antonio Santos na nakakuha rin ng anim boto; tig-limang boto naman ang nakuha nina Sandiganbayan Justices Amparo Tang at Efren Dela Cruz, habang si Sandiganbayan Justice Gregory Ong ay nakakuha naman ng apat na boto.
Sa ilalim ng batas, dapat ay makapagtalaga si Pangulong Aquino ng bagong mamumuno sa Sandiganbayan sa loob ng 90-araw mula nang magretiro si Presiding Justice Francisco Villaruz noong Hunyo 8, 2013.
Anim na mga miyembro ng JBC ang sumali sa botohan, kabilang na sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Justice Secretary Leila de Lima, Atty. Milagros Cayosa, Atty. Jose Mejia, Retired Court of Appeals Justice Aurora Santiago Lagman at Senador Coco Pimentel na umupo bilang kinatawan ng Kongreso.
Nabatid na unang ipinagpaliban ang botohan noong Hulyo 1 at kahapon lamang naituloy na nagbigay-daan umano sa bagong Kongreso na magtalaga kung sino sa kanila ang pauupuing kinatawan sa JBC.
- Latest