P2-M budget sa SONA
MANILA, Philippines - Umabot lamang sa P2 milyon ang pondo na inilaan ng Kamara para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Lunes, Hulyo 22.
Sinabi ni Rica dela Cuesta, Executive Director ng Public Relations Information Bureau (PRIB), ito lamang ang kanilang pondong inilaan at hindi na dapat pang lumagpas dito ang mga gastusin para sa nasabing okasyon.
Ang nasabing halaga umano ay gagamitin para sa pagkain na ihahanda sa mga bisita, photo booths at iba pa. Ganito rin umano ang kanilang nagastos noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ni dela Cuesta na handang handa na ang lahat para sa ika-apat na SONA ni PNoy mula sa security hanggang sa pagsasaayos ng traffic.
Magsisimula naman ang pagbubukas ng sesyon dakong alas-10 ng umaga kung saan magbobotohan ang mayorya ng mambabatas kung sino ang magiging House Speaker at Minority leader ngayong 16th Congress.
Inaasahan naman na muling maluluklok bilang House Speaker si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. habang mahigpit naman maglalaban bilang minority leader sina Tacloban Rep. Martin Romualdez at San Juan Rep. Ronaldo Zamora.
Dakong alas-4 ng hapon ay ang pormal na pagsasalita ni Pangulong Aquino.
- Latest