Sino ang dadalo sa Sona mula sa Marinduque?
MANILA, Philippines - Hindi pa tiyak kung makakadalo sa pagbubukas ng 16th congress at State of the Nation Address ni Pangulong Aquino sa Lunes, Hulyo 22 si Lord Allan Velasco. Si Velasco ay iprinoklama ng Commission on Elections bilang nanalong kinatawan ng Marinduque kahapon.
Ayon kay Atty. Marilyn Yap, secretary general ng House of Representatives, ang proseso kasi ay pagkatapos na maiproklama ang isang kongresista ay magsusumite ito sa kanila ng certificate of proclamation. Pero hanggang ngaÂyon ay wala pa naman silang natatanggap na kopya mula sa kampo ni Velasco.
Aminado rin ang opisyal na hindi pa nila pinapadalhan ng imbitasyon si Velasco para sa Sona dahil wala pa naman ito sa kanilang listahan. Sa halip, si Congresswoman elect Regina Reyes, na nanalo sa botohan ang pinadalhan ng imbitasyon.
Matatandaan na nagkakaroon ng kalituhan ngayon kung sino ang dapat na maupong kinatawan ng Marinduque dahil sa ang una ang iprinoklama bilang kongresista sa nasabing lalawigan ay si Gina Reyes.
Ngunit binawi ng poll body ang proklamasyon kay Reyes dahil sa pagiging American citizen umano nito na mariing itinatanggi ni Reyes.
Ayon kay Reyes, kumpleto ang ebidensya niya na siya ay isang natural born citizen bago pa man siya nag-file ng kanyang kandidatura.
Gayunman, nagbigay na ng pahayag ang liderato ng Kamara na hindi dapat ang Comelec ang magdesisyon sa kaso dahil nasa hurisdiksyon na ito ng House of Representatives Electoral Tribunal.
Sa ngayon, ayon sa opinyon ng dating HRET member at kasalukuyang Congressman Rufus Rodriguez, si Reyes ang kinikilala ng Kamara bilang Representative ng Marinduque, hanggang madesisyunan ang kasong ito ng HRET.
Ayon pa kay Rodriguez, si Reyes ang nanalo, ang unang naproklama, ang nakapag-oath of office na sa harap ng Speaker of the House at nakareport na sa trabaho noong June 30.
- Latest