Anti-pneumonia vaccine sa mga sanggol libre na
MANILA, Philippines - Maaari nang magpabakuna ng libreng anti-pneumonia vaccine sa mga health centers bilang bahagi ng immunization program ng DOH para sa mga bata.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang pneumonia ang ikalawa sa sanhi ng maagang pagkamatay sa mga sanggol batay na rin sa 2010 statistics kung saan may naitalang 2,628 na nasawi.
Sinabi ni Ona na karaniwang hindi nabibigyan ng Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV) ang mga sanggol dahil na rin sa may kamahalan ito na aabot sa P2,050 bawat bakuna habang gagastos naman ng P23,500 ang bawat isang magulang kung magkasakit ng pneumonia ang kanilang mga anak kaya malaking kaginhawahan ang mabigyan agad ng bakuna laban sa sakit ang mga bata.
Uunahing mabigyan ng libreng PCV ang Autonomous Region in Muslim Mindanao at Caraga na siyang may pinakamataas na kaso ng pneumonia o tinatayang nasa 333,000 sanggol na may edad 0-11 buwan ang mabibigyan ng libreng bakuna.
Target na mabakunahan ang 2.4 milyong sanggol sa buong bansa.
Bukod sa PCV ay libre rin ang bakuna sa mga health centers para sa BCG o tuberculosis sa mga bata, rotavirus vaccine, measles-mumps-rubella vaccines (MMR), polio vaccine at pentavalent vaccine na kombinasyon ng bakuna para sa Diphtheria-Pertusis-Tetanus-Hepatitis B-Haemophilus influenza vaccines.
- Latest