P-Noy kinalampag sa kartel ng bawang at sibuyas
MANILA, Philippines - Kinalampag ng pinagsanib na puwersa ng Kilusan ng Pilipinong Mamimili Laban sa Kahirapan (Kampilan) at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Pangulong Benigno Aquino III na umaksyon na laban sa lumalalang problema sa kartel sa importasyon ng bawang at sibuyas na nagreresulta sa pagtaas ng presyo sa merkado.
Sa pulong-balitaan kahapon sa Pasay City, sinabi ng Kampilan na naghain na sila ng kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman laban kina Bureau of Plant and Industry (BPI) Director Clarito Barron at Agriculture Secretary Proceso Alcala dahil sa pagpabor umano sa iisang importer para mabigyan ng “importation permit†ng bawang at sibuyas.
Sa reklamo ng Kampilan, patuloy ang pagtaas sa presyo ng bawang at sibuyas na nasa higit P100 na ang kada kilo dahil sa iisang importer na itinago sa pangalang “Lea Cruz†lamang ang binigyan ng permit nina Barron at Alcala. Dahil dito, nagkakaroon na ng monopolya at kontrolado ng iisang tao ang presyo ng bawang at sibuyas.
Idinulog na umano nila kay Barron ang problema ngunit sinabi nito na wala silang magagawa dahil utos umano ito ng nakakataas sa kanya. Hindi naman umano makausap si Alcala ukol sa naturang isyu.
Sinabi naman ni VACC Chairman Martin Dinio na maaaring magdulot ng malaking suliranin sa administrasyon ni Aquino ang problema lalo na at pagkain na ang nanganganib na magkulang at kinokontrol ang presyo ng iisang tao.
Iginiit nito na ang isang taong gutom dahil sa mahal ng presyo ng bilihin ay wala sa matinong kaisipan at maaaring mag-aklas laban sa pamahalaan.
Sinabi naman ni Dante Jimenez, mistulang isinasantabi ng mga opisyales ni P-Noy ang slogan nilang “Matuwid na Daan†at nagpapatupad ng sarili nilang “Undergound na Daan†sa mga iligal at palihim na transaksyon ng katiwalian.
- Latest