Anim na lugar sa bansa nilindol
MANILA, Philippines - Sunod-sunod na niyanig ng lindol ang anim na lugar sa bansa kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), unang naitala ang lindol ganap na alas-12:49 ng madaling araw kahapon na may lakas na 4.9 magnitude at ito ay naitala sa may 4 kilometro hilagang silangan ng Baguio City.
Sinundan naman ito ng lindol na may lakas na 2.4 magnitude ganap na ala-1:42 ng madaling araw kahapon sa may 13 kilometro timog silangan ng Prieto Diaz.
Ganap na alas-6:58 ng umaga kahapon ay naitala ang 3.1 magnitude na lindol sa may 8 kilometro hilagang silangan ng Carmen North Cotabato at pagsapit ng alas-8:50 kahapon ng umaga ay naitala naman ang 3.5 magnitude na lindol sa may 60 kilometro hilagang silangan ng Tandag Surigao del Sur.
Dakong alas-9:12 kahapon ng umaga ay naitala naman ang 3.0 magnitude na lindol sa may 5 kilometro timog kanluran ng La Trinidad Benguet.
Ganap na alas-10:06 naman kahapon ng umaga ay naitala ang 3.3 magnitude na lindol sa may 21 kilometro timog silangan ng Manay Davao Oriental.
Bagamat sunod-sunod na naitala ang pagyanig sa bansa, sinabi naman ng PHIVOLCS na wala namang napinsala sa naturang mga paglindol.
- Latest