Chopper bumagsak: P/Col., 2 pa sugatan

MANILA, Philippines - Dalawang opisyal ng pulisya kabilang ang isang police colonel ang nasugatan makaraang aksidenteng bumagsak ang helicopter ng Cordillera Police sa Mount Bitulayungan, Tinglayan, Kalinga nitong Miyerkules ng umaga.

Sa phone interview, sinabi ni Cordillera Police Spokesman Sr. Davy Vicente Limmong  naganap ang pagbagsak ng PNP chopper na isang Robinson R44 type na may tail number RP 2045 sa nasabing kabundukan bandang alas-11:15 ng umaga.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Sr. Supt. Oliver Enmodias, hepe ng Operations Division ng Cordillera Police, Chief Inspector Dexter Vitug at ang crew ng helicopter na si PO3 Jude Edwin Duque.

Ayon kay Limmong, ang helicopter ay galing sa provincial headquarters ng Kalinga Police Provincial Office na nakatakda sanang lumapag sa advance command post sa Tinglayan kaugnay ng isinasagawang marijuana eradication operation sa lugar ng mangyari ang insidente.

Sinabi ni Limmong na masyadong malakas ang hangin hanggang sa tumagilid sa ere at mag-crash landing ang helicopter na nagkaroon ng problema sa makina habang pinalilipad ito ni Vitug.

Bahagyang mga galos lamang at sugat ang tinamo ng nasabing mga pulis na una ng nilapatan ng pangunang lunas sa Tabuk City hospital sa Kalinga.

Nasa maayos ng kalagayan ang naturang mga pulis.

Show comments