E-court inilunsad ng SC
MANILA, Philippines - Pinangunahan kahapon ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang paglulunsad sa E-court o Electronic Court, isang makabagong paraan para sa mas mabilis na transaksyon sa mga korte sa bansa.
Ang QC ang siyang ginawang pilot area o unang lugar na pinaglagyan ng E-court upang masubukan ng publiko ang mabilis na pag-aksiyon ng korte sa mga kasong nakasampa dito.
Sinabi ni Sereno na ang ahensiya ay maglalagay ng mga Kiosk sa lobby ng Hall of Justice para sa naturang proyekto.
Sa ilalim ng programang E-court, bukod sa mabilis na pag-aksiyon ng korte sa mga nakasampang kaso dito, maaari din ditong malaman ng publiko ang itinatakbo ng isang kaso gaya nang mga impormasyon kung kailan ang hearing, sino ang complainant at sino ang inaasunto.
Personal na sinubukan ng punong mahistrado ang Kiosk at inihalimbawa nito ang pag-alam sa status ng kaso ng isang TV personality at ni dating PCSO Chair Manuel Morato, at mabilis na lumabas sa computer screen kung saang branch naka-pending ang kaso at kailan ang hearing.
Sinabi pa ni CJ Sereno na sa pamamagitan ng E-court magiging Electronic na rin ang pag-ra-raffle ng mga kaso na malaking tulong para sa transparency ng mga transaksyon sa korte.
- Latest