Hero’s burial iginawad kay Gen. Lucero
MANILA, Philippines - Inihatid na kahapon sa kanyang huling hantungan si Brig. Gen. Daniel Lucero, ang heneral na nasawi sa atake sa puso habang nag-scuba diving sa karagatan ng Alindahaw Reef, Tabak Beach sa Tukuran, Zamboanga del Sur noong Hunyo 2.
Si Lucero, 53 anyos, Commander ng Army’s 1st Infantry Division ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1983.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, ginawaran ng ‘hero’s burial’ si Lucero sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City bandang alas-12:00 ng tanghali.
Si Lucero ay dating Commander ng Army’s 18th Infantry Battalion (ID) na nakabase sa Basilan na naging susi sa pagkakalipol ng maraming lider ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa kidnap for ransom, ambushcades at maging sa pamumugot ng ulo ng mga hostages.
Ilang araw bago namatay si Lucero ay tumanggap pa ito ng parangal na isang “Meritorious Recognition’ sa pagsisilbi nito bilang peacekeeping contingent sa Haiti noong 2004 sa pagdiriwang ng International Peacekeepers Day noong Mayo 30. (Joy Cantos)
- Latest