Legal officer ng BID, timbog sa extortion
MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng CIDG Region VII matapos itong ireklamo ng pangongotong ng isang retiradong US Navy sa isinagawang entrapment operation ang isang legal officer ng BID sa Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Francisco Uyami Jr., kinilala ang nasakoteng suspek na si Atty. SeraÂfin Araula Abellon.
Si Abellon ay inireklamo ni Jaimes Samuel Mercier, retiradong US Navy na kinokotongan umano ng suspek ng P25,000 para ma-extend ang visa.
Nakapagbigay na umano ang biktima ng paunang bayad na P10,000 pero natuklasan nitong P 2,800.00 lamang ang totoong bayad sa pagpapalawig pa ng visa ng mga dayuhang aplikante.
Napilitan namang dumulog ang Amerikano sa PNP-CIDG na agad namang nagkasa ng operasyon sa pakikipagkoordinasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nagsampa na ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act sa tanggapan ng Ombudsman ang biktimang si Mercier.
Noong 2009, kinasuhan na rin ng katiwalian, korapsyon at grave misconduct si Abellon dahil sa panghuhuthot ng pera sa isang Japanese national sa Tagbilaran City sa parehong modus operandi.
- Latest