Barangay election ‘go’ may pondo na – solon
MANILA, Philippines - Go na ang barangay election sa darating na buwan ng Oktubre dahil naglaan na ng pondo ang Kongreso para dito.
Ayon kay Davao City Congressman Karlo Alexei Nograles, member ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform, mayroon ng budget para sa nasabing eleksyon kaya malabo ng mapigilan pa ito.
Paliwanag ni Nograles, mayroon ng batas at legal framework at pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan election ngayon Oktubre kaya ang mungkahi na ipagpaliban ito hindi na mangyayari.
Ginawa ni Nograles ang pahayag bilang reaksyon sa panawagan ni Commission on Election (COMELEC) chairman Sixto Brillantes para sa postponement ng barangay elections sa Oktubre at gawin na lamang sa susunod na taon para umano mabigyan nila ng daan ang mga poll protest ng mga natalong kandidato na isasampa sa kanilang tanggapan matapos ang midterm elections.
Kumbinsido naman si Brillantes na kailangang amyendahan muna ang batas na nagsasaad na ang Barangay at SK polls ay dapat idaos ng huling Lunes ng Oktubre, o tuwing ikatlong taon.
Samantala hindi rin pabor si Pangulong Benigno Aquino lll sa mungkahi ng COMELEC na ipagpaliban ang darating na Barangay at SK elections.
Sinabi ng Pangulong Aquino, matapos dumalo sa anniversary ng Philippine Navy (PN), na kapag pinayagan ang postponement ng Barangay at SK elections sa Oktubre ay baka wala ng mangyari ng eleksyon kundi puro na lamang postponement.
“Ang mandato ng bawat taong nanunungkulan ay dapat ma-secure periodically. Kinakabahan ako, baka maraming postponement ang mangyari,†wika pa ng Pangulo sa media interview.
Idinagdag pa ng Pangulo, dapat kayanin ng COMELEC ang kanilang mandato na pangasiwaan ang pandaraos ng barangay at SK elections sa Oktubre ng taong kasalukuyan. (May dagdag na ulat si Rudy Andal)
- Latest