Apela ng akusado sa Barrameda case, ibinasura ng CA
MANILA, Philippines - Hindi pinagbiyan ng Court of Appeals ang hiling ng isa sa mga akusado sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda na pigilan ang Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng kasong murder laban sa kanya.
Sa 3-pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Victoria Isabel Paredes, ibinasura ng CA 14th Division ang hiling ni Lope Jimenez, tiyuhin ng asawa ng biktima, na magpalabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction kontra sa resolusyon ng DOJ.
Partikular na kinukuwestyon ni Jimenez ang resolusyon ng DOJ na may petsang Agosto 11, 2010 at Disyembre 28, 2012 na pirmado ni Justice Secretary Leila de Lima.
Ayon sa petisyon ni Jimenez, kwestiyonable ang kredibilidad ng nag-iisang testigo sa kaso na si Manuel Montero at binawi na rin naman nito ang kanyang naunang testimonya kung saan inugnay nito sa krimen si Jimenez, gayundin ang biyenan at asawa ni Barrameda kaya dapat lamang na maharang ang kaso laban sa kanya.
Subalit sa desisyon ng CA, wala umanong matibay na dahilan para pagbigyan ang hiling ni Jimenez.
Magkakaugnay raw umano ang mga insidente na tinukoy ng petisyuner at ang mga ito ay makakaapekto sa paglutas sa main petition.
Iniiwasan din umano ng CA na magpalabas ng kaÂutusan na ang magiging epekto ay pagbasura sa main case nang hindi man lamang dumadaan sa paglilitis.
Binigyan naman ng korte si De Lima ng sampung araw para maghain ng komento, habang si Jimenez naman ay binigyan ng limang araw para magsumite ng reply sa komentong ihahain ng mga respondent.
- Latest