‘Money ban’ pinigil ng SC
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng Status Quo Ante Order ang Supreme Court kahapon kaugnay sa Comelec resoÂlution hinggil sa ‘moÂney ban’ na ang layunin ay malabanan ang vote buÂying sa May 13 elections.
Sa dalawang pahinang resolusyon, pinagkokomento ng Korte Suprema ang Comelec sa petisyong inihain ng Bankers Association of the Philippines sa loob ng 10 araw.
Sa petisyon ng BAP, hiniling nito na magpalabas ng SQA o ‘di kaya’y Temporary Restraining Order (TRO) kontra sa Comelec resolution no. 9688 dahil labag umano ito sa saligang batas.
Sa ilalim ng Comelec resolution, pinagbabawalan ang sino man na mag-withdraw ng perang mahigit sa P100,000 bawat araw at magdala ng cash na mahigit P500,000 mula May 8 hanggang May 13.
Ang hakbang na ito umano ay para mapigilan ang pamimili ng boto.
Matatandaang kinontra ng ilang grupo ang resolusyon dahil makaaapekto umano ito sa ekonomiya ng bansa ng ilang araw.
Binigyan ng 10 araw na taning ng SC ang Comelec upang magkomento.
Nais din ng BAP na matapos ang pag-aaral sa usapin ay tuluyan ng ipawalang-bisa ng SC ang naturang money ban dahil sa negatibong epekÂto sa ekonomiya at paÂngangalakal.
Samantala, ipinauubaya na ng Malacañang kay Comelec Chairman Sixto Brillantes ang pakiramdam nito matapos ‘barilin’ sa ikaapat na pagkakataon ng SC ang mga nais ipatupad ng poll chief sa Comelec.
Ito na ang ikaapat na pagkakataon na kinontra ng High Court ang desisyon ng Comelec sa pamumuno ni Brillantes.
Naunang hinarang ng SC ang extended liquor ban ng Comelec. (May ulat ni Rudy Andal)
- Latest