Source code hawak na ng Comelec
MANILA, Philippines - Nasa kamay na ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang 2013 source code o ang human readable instructions ng precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa nalalapit na May 13 midterm elections sa bansa.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., maaari nang rebyuhin ng mga interesadong partido ang naturang source code.
Sa press conference, opisyal nang iniabot ng mga kinatawan ng Dominion Voting Systems Inc. at Systest Labs Inc. (SLI) Global Solutions kay Brillantes ang compact disc (CD) na naglalaman ng source code.
Naantala ang release at review ng source code dahil sa legal dispute sa pagitan ng may-ari nito na Dominion Voting Systems Inc, at ng Smartmatic, na siyang contractor naman ng Comelec para sa automated elections system.
Tumatanggi kasi ang Dominion na i-release ang source code na hawak ng SLI Global Solutions na siyang sumuri at nagsertipikang accurate ito, dahil ayaw umanong magbayad ng Smartmatic ng $10 milyon sa kanila para sa paggamit nito ng kanilang teknolohiya.
- Latest