Free insurance ng teachers, poll watchers nakabitin sa Senado
MANILA, Philippines - Nakabinbin at hindi na naihabol pa ng Senado ang panukalang batas na naggagarantiya ng libreng insurance coverage para sa mga guro at poll watchers sa halalan.
Dismayado si Bagong Henerasyon parylist Rep. Bernadette Herrera-Dy dahil sa hindi agarang pagpasa sa House Bill 6528 na pasado na sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre pa.
Paliwanag ni Herrera-Dy, maaga nilang naipasa sa Kamara ang nasabing panukala at inaasahang maipapatupad sana ito ngayong 2013 midterm election kung ito lamang ay naisabatas agad ng Senado.
Palalawigin sa panukala ang insurance coverage ng mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI) Board of Election Tellers at mga support staff sakaling masawi o maospital bunsod ng aksidente o pagkakasakit dulot ng election-related incidents.
Magiging P200,000 ang death benefit ng mga poll workers habang ang hospitalization coverage ay P1,500 kada araw ngunit hindi hihigit sa P150,000.
Hinamon ni Herrera-Dy ang mga kasalukuyang nakaupong senador at ang mga mananalo sa darating na eleksyon na isabatas agad ang HB 6528 sa pagbubukas ng 16th Congress.
- Latest