PCG handa na sa Semana Santa
MANILA, Philippines - Handa na ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ng barko na mag-uuwian sa mga probinsya ngayong Semana Santa.
Ayon kay PCG spokesman, Commander Armand Balilo, naglagay na sila ng assistance desk sa ibat-ibang daungan ng mga barko upang maagapayan ang mga pasahero na posibleng magkaproblema sa kanilang pagbiyahe.
Nakabantay aniya ang Coast Guard sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga biyahero ang mga shipping company at pamunuan ng mga port terminal.
Inaasahan umanong mamayang hapon ay magsisimula nang dumagsa sa mga pantalan ang mga pasahero partikular na sa mga pier sa Maynila, Batangas, Cebu at Iloilo.
Nito lamang umanong nakalipas na araw ng Martes ay inilagay na ng Coast Guard ang kanilang buong pwersa sa heightened alert bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Balilo ang mga pasahero na huwag sumakay sa mga colorum vessel na karaniwan umanong walang lifejacket, walang communication equipment at wala ring insurance.
- Latest