8 Kiram men kinasuhan ng terorismo sa Malaysia!
MANILA, Philippines - Walong Pinoy na hinihinalang kasapi ng Sulu Royal Army ang sinampahan ng kasong kriminal na may kaugnayan sa paghahasik umano ng teroÂrismo dahil sa pagkakasangkot sa standoff sa Lahad Datu, Sabah.
Ayon sa report ng Associated Press, ang walong Pinoy na kauna-unahang na-charge ng terrorism related offenses ay kabilang sa mahigit 200 Pinoy na mga tagasuporta ni Sultan Jamalul Kiram III na nagtungo sa Lahad Datu, Sabah noong Pebrero 9 upang doon manirahan sa kanilang inaangkin na lupa.
Kapag napatunayan umanong guilty sa nasabing kaso, maaaring maharap sa parusang kamatayan o habambuhay na pagkabilanggo ang walong Pinoy.
Sa tala ng Malaysian authorities, may 62 Pinoy na umano’y tagasuporta ng Sultan ang napatay sa bakbakan na nagsimula noong Marso 6 sa Lahad Datu habang 9 na pulis at militar ang nalagas sa Malaysian security forces.
Kamakalawa ay sinabi ng Malaysian authorities na naghahanda na sila para sa “final battle†laban sa may nalalabing 50 miyembro ng Sulu Royal Army na pinamumunuan ni Rajah Muda Agbimuddin Kiram na hinihinalang nagtatago sa Tanjung Batu at sa oil palm plantation sa Sabah matapos na ang iba ay nakapuslit na pabalik sa Mindanao.
Kahapon ay inihayag din ng Malaysian authorities na hindi na nila ipapasa sa Pilipinas ang mga labi ng mga Pinoy na napatay sa sagupaan sa Lahad Datu.
Ililibing na lamang umano sa Sabah ang mga labi ng mga napaslang dahil karamihan sa mga ito ay naagnas na ang katawan.
Una nang nagbigay ng tatlong araw na palugit ang Malaysian government upang kunin ng mga Kiram ang mga labi ng kanilang mga tagasuporta na napaslang sa nasabing air strikes at ground assaults sa Lahad Datu at Semporma subalit nagbago ng desisyon ang Malaysia.
- Latest