US may travel warning vs Pinas
MANILA, Philippines - Naglabas ng panibagong travel warning ang Estados Unidos sa mamamayan nito na iwasan ang pagbiyahe sa Mindanao partikular sa Sulu na pugad ng mga teroristang Abu Sayyaf Group na nagkakanlong sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., nirerespeto ng AFP ang travel advisory na inisyu ng Amerika dahil responsibilidad nitong pangalagaan ang kanilang mamamayan sa loob at labas ng kanilang bansa.
Sa ipinalabas na travel warning ng Bureau of Consular Affairs ng US, tinukoy ang mataas na banta ng kidnapping lalo na sa mga dayuhan sa Sulu kung saan marami pang bihag ang mga bandido kabilang ang dalawang European bird watchers na dinukot noong nakalipas na
taon.
Samantalang marami pa umanong mga kriminal na grupo na palaging nakakaengkuwentro ng militar sa Mindanao lalo na sa mga liblib na lugar.
Inihayag naman ni Burgos na higit pang pag-iibayuhin ng AFP ang pagpapalakas ng security measures at intelligence operations upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
- Latest