Dep’t of OFWs isinulong ni Rep. Villar

MANILA, Philippines - Isinusulong na sa mababang kapulungan ng Kongreso ni Las Piñas Rep. Mark A. Villar ang panukalang batas na naglalayong magtayo ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFWs) upang higit na mabigyang-pansin at matugunan ang mga pangangailangan ng mga OFWs, na higit na malaki ang tulong sa matatag na ekonomiya ng bansa.

Inihain ni Villar ang House Bill No. 6637 upang mapasimulan ang pagtalakay sa kanyang panukalang paglikha ng isang DOFW.

Nakapaloob sa panukala na magiging sentro nito ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga OFWs katuwang ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay atensyon at tulong sa pangangailangan ng ating mga OFWs.

Tinukoy ng World Bank na ang OFW remittances ay maaaring umabot sa 24  bilyong dolyar sa taong ito, dahilan upang maitala ang Pilipinas bilang ikatlo na pinaka-malaking recipient ng remittances sa buong mundo. Mas mataas ito kumpara sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 21.5 bilyong dolyar sa buong taong 2012.

Tinukoy ni Villar sa kanyang panukala na dahil sa maraming ahensya, samahan at tanggapan na mayroong kaugnayan sa OFWs, nagkakaroon ng pagkalito ang ating mga kababayan kung saan dudulog patungkol sa kanilang mga problema. Dahil dito, lalo lamang nadaragdagan ang mga problema ng OFWs imbes na maresolba ang kanilang suliranin ukol sa trabaho, benepisyo at iba pa.

Ipinunto din ni Villar sa kanyang panukala ang tiyak na pondo (OFW Assistance Fund)  sa itata­yong departamento para sa tulong pinansyal ng mga OFW, upang masiguro na mayroon silang mahihingan ng tulong lalo na sa pangangailangan ng pambayad ng blood money kung kinakaila­ngan, at pagtatayo ng mga reintegration programs para sa mga di-pinalad na mga OFWs sa ibang bansa. 

 

Show comments