4 pa missing: 6 OFWs utas sa Algeria
MANILA, Philippines - Anim na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kumpirmadong patay habang apat pa ang nawawala matapos ang madugong hostage crisis sa isang gas plant sa Algeria.
Sa pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, sinabi ni DFA Spokesman Asec . Raul Hernandez na base sa ulat ng Philippine Embassy team na ipinadala sa Algeria at Embahada sa London, anim na OFWs na nagtatrabaho sa In Amenas gas plant sa Sahara na inatake ng Islamist militants noong Miyerkules ang kasama sa may 80 plant workers na napatay sa hostage crisis.
Ayon kay Hernandez, ang anim na nasawing OFWs ay nagmula sa Japanese companies ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan at shrapnel mula sa bombang sumabog.
Sinabi ni Hernandez, patuloy na pinaghahanap ang apat na nawawalang Pinoy habang 16 pang OFWs sa planta ang nadagdag na na-account at kumpirmadong buhay.
Mula sa accounted na 16 OFWs, apat dito na suÂgatan ang nasa Al-Azhar clinic sa Algiers, apat ang nasa Mercure Hotel na nag-aantabay ng kanilang repatriation, apat ang pauwi na sa bansa at apat naman ang masuwerte na hindi mapabilang sa mga hostages dahil kasalukuyang nagbabakasyon sa Pilipinas.
Hindi pa matukoy ng DFA kung sadyang pinagpapatay ng mga Islamists kidnappers ang mga hostages o nasawi sa rescue at assault operations ng Algerian security forces na nagtapos noong Sabado.
Samantala, agad namang nagpaabot ng pakikiramay ang Pangulong Benigno Aquino III sa pamilya ng 6 OFWs na nasawi sa madugong hostage incident sa Algeria.
- Latest