42K batang ‘lampayatot’ pakakainin ng DepEd
MANILA, Philippines - Pakakainin ng Deparment of Education sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP) ang may 42,000 batang mag-aaral na ‘lampayatot’ o lampa at payat na dumaranas ng matinding malnutrisyon sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Br. Armin A. Luistro, ang naturang feeding program ay nagkakaloob ng masusustansiyang pagkain sa mga batang matindi ang dinaranas na malnutrisÂyon sa loob ng 100 hanggang 120 feeding days.
Sinimulan itong ipatupad noong Oktubre 2012 at magtatagal hanggang Marso 2013.
Sinabi ni Luistro, ang ispesipikong target nila sa naturang programa ay yaong mga batang pumapasok sa paaralan ng walang laman ang sikmura na nagreresulta sa palagian nilang pagliban sa klase o pagkakaroon ng mahinang performance sa paaralan.
Noong una ay tinawag ang programa na breakfast feeding program, ngunit ginawa itong SBFP upang hindi malimitahan ang pagpapakain sa mga bata sa almusal lamang.
Ang paaralan na ang magdedesisyon kung anong oras isasagawa ang feeding program na mas makatutugon sa pangangailangang nutrisyunal ng mga mag-aaral.
Target nito ang may 42, 372 kindergarten hanggang Grade 6 pupils mula sa mga natukoy na ‘severely wasted children’ batay sa kanilang nutritional status report noong Agosto 31, 2012.
Layunin nitong maibalik sa normal na nutritional status ang may 70% ng mga severely-wasted beneficiaries sa pagtatapos ng feeding days.
- Latest